LAPASTANGAN

GANID…

Maaga kaming naghanda ni Ama upang pumunta sa Bayan, hindi para magluwas ng kalakal na gulay kundi upang sumangguni sa aming Meyor, tungkol na din sa problemang may kinalaman sa pangangamkam ng lupa at mga pananakot ng mga tauhan ni Don Rafael. Hindi pa pumuputok ang araw ng kami’y umalis ng bahay sapagkat may dalawang oras ang byahe mula sa amin hanggang bayan. Noong mga panahong iyon, tricycle lamang paraan ng transportasyon sa amin sa bako bakong daanan. Ayaw pa akong isama ni Ama pero dahil na din sa nangyari noong nakaraang mga gabi, pinilit ni Ina na ako’y pasamahin.

Lunes noon at marami ng tao sa munisipyo ng kami ay makarating. May flag ceremony ang mga opisyal at empleyado ng munisipyo. Nasa tabihan lamang kami ng isang tindahan ng gamot na pagkamamahal sa may tapat habang tinutugtog ang Lupang Hinirang, hinahanap ng mga mata ang aming sadya. Ng matapos ang awit ng mga empleyadong hindi naman umaawit talaga, agad kaming pumasok at tumungo sa tanggapan ni Mayor, subalit wala pa ang aming pakay. Tirik na ang araw at halos tatlong oras na din kaming naghintay, madami na akong nabilang na butiki sa kisame ng munisipyo pero wala pa ding nakakapagsabi sa amin kung darating ba si Meyor o hindi. Putang ina, makati na ang aking kuyukot, tuyot na ang aking laway, puti na ang mata sa inip, ni isa sa maarteng empleyado e hindi makapag-alok kahit ni isang basong tubig. At ang mga pulitikong tao talaga, mga paimportante.

Dumating din ang aming sadya bago sumapit ang pananghalian. Pinapasok naman kami ng sekretarya makalipas lamang ang ilang sandali. Humingi ng dispensa si Mayor sa aming matagal na paghihintay, nagkainuman daw sila ng Gobernador at ni Don Rafael nitong nakaraang gabi. At pagkarinig niyon, banaag ko sa mukha ni Ama ang pagsibol ng masidhing galit. Lumabas ako ng kwarto ayon na din sa utos ni Ama. Maingay sa pasilyo ng munisipyo dahil sa dami ng tao roon, pero rinig ko ang dagundong ng aking puso. Hindi ako mapakali habang hinhintay si Ama na matapos sa pakikipag-usap kay Meyor. Hindi ko mawaring dahilan, parang may kung anong hindi magandang mangyayari.

“Abet, tara na, uuwi na tayo”

Nagmamadali si Ama, humahangos kaming lumabas ng munisipyo. Ramdam ko sa asal ni Ama ang kabiguan ng aming pakay. Walang nangyari sa kanilang pag-uusap.

“Putanginang mga naka pwesto, nakasubo sa burat ang mga bunganga habang kumakain ng tae ng mga mayayaman. Mga walanghiya”

Wala na kaming maari pang malapitan o mahingan ng tulong tungkol sa problema. Ano ang laban naming salat sa yaman sa mga makapangyarihang pamilya. Ang tangi lang naming pinanghahawakan ay ang kaalaman na ang lupang sinasaka ni ama ay galing sa kanyang mga magulang. Wala naman kaming nalalaman na ang lupang iyon ay pag-aari ng iba. At tulad ng sinasabi ni Don Rafael na iyon daw ay kanila, may dokumentong hawak di umano. Taal kaming taga Santa Magdalena, ang lupang aming sinasaka ay pagaari ng aking kanununuan. Samantalang ang pamilya ni Don Rafael ay dapo lamang sa aming Bayan na ngayon nangangamkam ng lupa ng iba. Papaanong mapupunta sa kanila ang aming lupa. Ganon na lamang ba ang katalinuhan ng may kwarta at talagang ganon na lamang ba kami kamangmang? Samut sari pa ang naglalaro sa aking diwa. Lutang sa mga katanungang walang tiyak na kasagutan. Hindi alintana ang gutom. Hindi naging mabagal ang oras sa karagkarag ng trycicle na inarkila pa ni Ama sa bayan

“Sepa.. Sepa.. Nandito na kami Sepa. Nasaan na kaya ang Nanay mo? Puntahan mo nga abet sa pulo, baka ipinastol si Bagting kanina, alas dos na e wala pa dito sa bahay.”

Mabilis kong tinakbo ang papuntang pulo. Naguunahan naman sa paghampas ng tambol ang pintig ng aking puso,  tulad ng pakiramdam ko kanina sa bayan na hindi ko maintindihan. Tanaw ko pa lamang ang bukid, nakapanlulumo, wala akong natatandaang bagyo na dumaan para maging ganoon ang itsura ng aming gulayan. Buwal lahat ng pananim, sira ang mga balag na kung susuriing mabuti, parang dinaanan ng tatlong buhawi. Ang mga sitaw na aming punla, giniik lahat ng may kagagawan niyon. May bakas pa ng pinagkainan ng papaya. Hindi kalayuan sa ilalim ng puno ng mangga, nandoon si Bagting  na parang may tinatanuran. Hindi naman doon dapat siya nakasuga kundi doon sa may bandang kaparangan. Agad akong lumapit upang mas lalong magimbal at mabigla sa matutunghayan. Hindi ko alam ang aking gagawin, ayaw kong paniwalaan ang aking nakikita. Si Ina, duguan nakahandusay sa Lupa. May tatlong magkakalayong sugat sa dibdib. Hawak ang Itak ni Ama sa kanang kamay. Nakapikit at hindi na humihinga. Tuyo ang dugo sa kamiseta, tanda lamang ng may ilang oras ng ganoon si Ina.

“Inaaaaaaa….”

Bakit may kailangang magbuwis ng buhay para lamang sa pansariling interes? Hindi patas ang mundo upang humamon sa buhay. Si Ina na aking mahal ay biktima ng kasakiman. Nagbuwis ng buhay upang ipaglaban lamang ang ganang kanya. Tatlong tama ng baril ang kumitil ng kanyang buhay. Napakasakit. Wala na si Sepa na butihing asawa ni Berto. Wala na si Sepa na mapagmahal na Ina ni Abet. Bakit humantong sa ganitong kalapastanganan ang kasakimang walang kaparis.  Ang pagtatanggol ba para sa sarili ay isang kasalanan? Ang ipaglaban ba ang alam naming tama ay isang malaking kasalanan? Bakit sa ganitong paraan pa kami susubukin ng hamong iyon? Putang Inang sistema yan. Putang ina sa mga demonyong nainirahan sa bulok na pagkatao ng may mabubulaklak na pananalita subalit may nakasusulasok ng hininga.

Advertisements

KALAM

Sa aking pagtingala ay langit. Nagbabadya ang ulan na sasama sa sipon, dura at pawis na papatak sa bitak bitak na mukha ng kalsadang aking tinatapakan. Kumukulog, kumikidlat pero katanghaliang tapat at tirik na tirik ang nagmumurang init ng araw. Kaya pala, dumadagundong ang nag-aaway na bituka at tiyan na walang laman. Sorbetes, putang ina. Sorbetes na tigdadalawang piso ang katapat ng kalam ng sikmura. Sorbetes na aking pananghaliang pasado alas tres ng hapon ilalaman. Bumuhos ang malalaking patak ng ulan sa maalinsangang panahon. Kakaiba ang ganitong pangyayari sa lansangang aking tirahan. Ang mga oras na ganito’y naghahatid ng ginhawa sa pagod kong katawan. Pamamahinga sa pakikipagpatintero sa naghaharurutang sasakyan, paglilinis ng mga salaming may alikabok ng lungsod at aamot ng baryang kapalit ng buwis buhay na hanap buhay.

Sa aking pagsilong sa labas ng tindahan ng Kapeng Barakong pangmayaman. Katabi ko ang matandang naka ikom ang kanang kamaong nagbabanta ng laban. Kaya pala’y pinoprotektahan ang medesinang pampamanhid ng sakit na nararamdaman. Tatlong kapsulang pinaghatihati upang maging anim. Para sa isang linggong pakikipagbunong braso sa kamay ng kamatayan. Sa kaliwa kong kamay ay sorbetes, binili ko kay Mang kardo na bulag ang kanang mata. Alas tres na ng hapon kaya’t oras na ng aking pananghalian, oras na upang awatin ko ang naghuhurementadong bituka, tiyan at sikmura. Sa loob ng tinadahang iyon na may makakapal ng salaming dinding, tanaw ko ang mga magbabarkadang may kanikanyang hawak na kamera, naghahabaan ang lenteng nakatutok sa mga modelong pagkain na nakahain sa mesa. Katabi ng umuusok ng kapeng nakakalibog, nakakapagpakagat ng labi at nakakapagpapikit ng mata, iyon ang aking namamalas katabi ng lolang nakatanaw din doon. Masayang tingnan ang kislapan ng kamera, isang tagpo sa isang eksena ng pelikulang may temang kabastusan, at ang titulo, Hubad na Katotohanan.

“Natutunaw na ang sorbetes na hawak mo, hindi mo pa kinakain”

“Wala po akong kamera upang ito’y aking kunan ng larawan, gusto ko sanang iguhit muna bago ko lantakan.”

“Bakit? Gagaya ka pa sa mga kabataang iyon?”

“Upang sa gayon ay may alaala ako ng pagkaing akin din namang itatae kinabukasan”

Nanunuot sa aking kalamnan ang lamig na hatid ng gabing gumigising sa katotohanan. Kumakamot ng nagmamantikang kuyukot ng mga nahihimbing na tulad kong bundat sa mga pistahang dinaluhan. Sa ilalim ng tulay na bato, sa kartong ginawang higaan, kapiling ng mga alupihang maliliksing gumagapang at kumikiliti ng aking talampakan, gasino na ang liwanag na bigay ng lamparang nakasabit sa kalangitan. Binibigyang buhay ng mga panaginip ang pumapatay na kalam ng tiyan. Sa labas ng aking himbing at nagpipistang kamalayan, nakabibingi ang ingay, buhay na buhay ang lungsod sa mga panggabing ibong nag-aawitan. Naglalabasan ang kanina’y nakatagong katotohanan sa  mga huwad katauhan sa ilalim ng sinag ng araw. Nagmumurang sinag ng araw na sumusunog sa balat ng mga ahas na namamaluktot sa ilalim ng balatkayong gubat ng mga nagtataasang gusali at nagmamadaling lakad ng mga taong walang pakialam sa aking kalagayan.

Mga panahong nagpalit palit sa pakikipagtungali ko sa katarantaduhan ng buhay. Walang pinagkaiba bumagyo man, bumaha, lumindol, o iba’t ibang trahedya bunga na din ng katalinuhan ng mga tao. Kahirapan lamang naman ang aking kalaban. Kalam ng sikmura ang siyang pinakamatindi kong kaaway. Wala akong gamit na pananggalang o espada na maari kong gamitin sa pakikipagbuno, tanging pagpapairal lamang ng isipan na siyang mangibabaw sa lahat ng oras upang manatili akong buhay at hindi igupo ng mapanupil na alagad ng naghaharing kabulukan ng sistemang aking ginagalawan. Si lola na aking minsang nakatabing tumanghod sa masaganang kainan ng mga kabataang may mababaw na kaligayahan, matapos ang isang linggo mula noon, nagtagumpay ang kampon ng kahirapan, siya’y kinitlan ng buhay na hinihiram sa hati hating kapsulang kanyang pinprotektahan.

Gusto kong sumulat, gusto kong iguhit ng aking mga kamay ang mga adobo, kare kare, kapeng barako, cake, spaghetti, pansit, puting puting kanin at iba’t ibang masasarap na pagkaing nakahain sa masaganang mesa sa pistahan na sa utak ko lamang nalalanghap ang bango at sa mga panaginip ko lamang nalalantakan. Upang sa gayon ay aking mabaon sa aking paglisan sakaling kitlin ng putang inang kahirapan ang aking putang inang buhay. Bago man lamang sana takpan ng peryodiko ang butete kong katawan kinaumagahan mula sa pistahan na aking dinaluhan.

Putang inang buhay iyan, hindi makatarungan ang ibinibigay na hamon para sa tulad ko na kung ituring ng mga puta ay dumi at salot ng lipunan.

——–

Bagsik ng Panitik 2013