KALAM

Sa aking pagtingala ay langit. Nagbabadya ang ulan na sasama sa sipon, dura at pawis na papatak sa bitak bitak na mukha ng kalsadang aking tinatapakan. Kumukulog, kumikidlat pero katanghaliang tapat at tirik na tirik ang nagmumurang init ng araw. Kaya pala, dumadagundong ang nag-aaway na bituka at tiyan na walang laman. Sorbetes, putang ina. Sorbetes na tigdadalawang piso ang katapat ng kalam ng sikmura. Sorbetes na aking pananghaliang pasado alas tres ng hapon ilalaman. Bumuhos ang malalaking patak ng ulan sa maalinsangang panahon. Kakaiba ang ganitong pangyayari sa lansangang aking tirahan. Ang mga oras na ganito’y naghahatid ng ginhawa sa pagod kong katawan. Pamamahinga sa pakikipagpatintero sa naghaharurutang sasakyan, paglilinis ng mga salaming may alikabok ng lungsod at aamot ng baryang kapalit ng buwis buhay na hanap buhay.

Sa aking pagsilong sa labas ng tindahan ng Kapeng Barakong pangmayaman. Katabi ko ang matandang naka ikom ang kanang kamaong nagbabanta ng laban. Kaya pala’y pinoprotektahan ang medesinang pampamanhid ng sakit na nararamdaman. Tatlong kapsulang pinaghatihati upang maging anim. Para sa isang linggong pakikipagbunong braso sa kamay ng kamatayan. Sa kaliwa kong kamay ay sorbetes, binili ko kay Mang kardo na bulag ang kanang mata. Alas tres na ng hapon kaya’t oras na ng aking pananghalian, oras na upang awatin ko ang naghuhurementadong bituka, tiyan at sikmura. Sa loob ng tinadahang iyon na may makakapal ng salaming dinding, tanaw ko ang mga magbabarkadang may kanikanyang hawak na kamera, naghahabaan ang lenteng nakatutok sa mga modelong pagkain na nakahain sa mesa. Katabi ng umuusok ng kapeng nakakalibog, nakakapagpakagat ng labi at nakakapagpapikit ng mata, iyon ang aking namamalas katabi ng lolang nakatanaw din doon. Masayang tingnan ang kislapan ng kamera, isang tagpo sa isang eksena ng pelikulang may temang kabastusan, at ang titulo, Hubad na Katotohanan.

“Natutunaw na ang sorbetes na hawak mo, hindi mo pa kinakain”

“Wala po akong kamera upang ito’y aking kunan ng larawan, gusto ko sanang iguhit muna bago ko lantakan.”

“Bakit? Gagaya ka pa sa mga kabataang iyon?”

“Upang sa gayon ay may alaala ako ng pagkaing akin din namang itatae kinabukasan”

Nanunuot sa aking kalamnan ang lamig na hatid ng gabing gumigising sa katotohanan. Kumakamot ng nagmamantikang kuyukot ng mga nahihimbing na tulad kong bundat sa mga pistahang dinaluhan. Sa ilalim ng tulay na bato, sa kartong ginawang higaan, kapiling ng mga alupihang maliliksing gumagapang at kumikiliti ng aking talampakan, gasino na ang liwanag na bigay ng lamparang nakasabit sa kalangitan. Binibigyang buhay ng mga panaginip ang pumapatay na kalam ng tiyan. Sa labas ng aking himbing at nagpipistang kamalayan, nakabibingi ang ingay, buhay na buhay ang lungsod sa mga panggabing ibong nag-aawitan. Naglalabasan ang kanina’y nakatagong katotohanan sa  mga huwad katauhan sa ilalim ng sinag ng araw. Nagmumurang sinag ng araw na sumusunog sa balat ng mga ahas na namamaluktot sa ilalim ng balatkayong gubat ng mga nagtataasang gusali at nagmamadaling lakad ng mga taong walang pakialam sa aking kalagayan.

Mga panahong nagpalit palit sa pakikipagtungali ko sa katarantaduhan ng buhay. Walang pinagkaiba bumagyo man, bumaha, lumindol, o iba’t ibang trahedya bunga na din ng katalinuhan ng mga tao. Kahirapan lamang naman ang aking kalaban. Kalam ng sikmura ang siyang pinakamatindi kong kaaway. Wala akong gamit na pananggalang o espada na maari kong gamitin sa pakikipagbuno, tanging pagpapairal lamang ng isipan na siyang mangibabaw sa lahat ng oras upang manatili akong buhay at hindi igupo ng mapanupil na alagad ng naghaharing kabulukan ng sistemang aking ginagalawan. Si lola na aking minsang nakatabing tumanghod sa masaganang kainan ng mga kabataang may mababaw na kaligayahan, matapos ang isang linggo mula noon, nagtagumpay ang kampon ng kahirapan, siya’y kinitlan ng buhay na hinihiram sa hati hating kapsulang kanyang pinprotektahan.

Gusto kong sumulat, gusto kong iguhit ng aking mga kamay ang mga adobo, kare kare, kapeng barako, cake, spaghetti, pansit, puting puting kanin at iba’t ibang masasarap na pagkaing nakahain sa masaganang mesa sa pistahan na sa utak ko lamang nalalanghap ang bango at sa mga panaginip ko lamang nalalantakan. Upang sa gayon ay aking mabaon sa aking paglisan sakaling kitlin ng putang inang kahirapan ang aking putang inang buhay. Bago man lamang sana takpan ng peryodiko ang butete kong katawan kinaumagahan mula sa pistahan na aking dinaluhan.

Putang inang buhay iyan, hindi makatarungan ang ibinibigay na hamon para sa tulad ko na kung ituring ng mga puta ay dumi at salot ng lipunan.

——–

Bagsik ng Panitik 2013

Advertisements

20 Comments on “KALAM”

  1. sinasabi ko na nga ba ikaw to banjo eh!!! naamoy kita! 😛

  2. bagotilyo says:

    Magaling , mapangahas , malaman. Isang akdang sumasalamin sa kahirapan ng buhay. Isang akdang walang katula.

    Im a fan.

    Goodluck sa BNP 🙂

  3. salamat sa paglahok ser 😀

  4. Anthony says:

    Puta! Ikaw na ikaw nga ito ser banjo, walang galingan. 😀

  5. Dak Angel says:

    GOODLUCK SA ENTRY MO GRABE MAGANDA SYA … NAKAKATAKOT NA NAKAKAIYAK ANG EKSENA NG BUHAY SA LANSANGAN..

  6. maganda ang akdang ito… makatotohanan at relate na relate ako… magandang nagamit ang mga salitaa… goodluck sa iyong entry sir…

  7. limarx214 says:

    Nawindang ako dito sir! Husay! Laging may tama at umuuga ang mga akda mo. ayos.

  8. J. Kulisap says:

    Tumatapang ang mga salita mo, dati’y kay ringal, pino at kayumanggi ang mga titik, ngayon maihahambing ko ang mga ideya mo sa totoong laban ng buhay.
    Ang sabi ng iba, hindi mo kasalanang ipinanganak na mahirap, putangna, kasalanan mo nang mamamatay kang mahirap. Anong kinalaman nito sa pagkagutom…hindi ko alam.

    🙂 Lakas tama. Lakas uga

    • Umiba ako ng paraan ng pagsusulat. Siguro eh dahil na din sa katotohanan ng pangyayari sa aking paligid, baranggay, bayan, probinsya, bansa.

      Oo nga sir, nawala iyong pino, nawala iyong maaring may kapulutang ng mga bata.

      May tinatapos akong kwento sa blog na ito sir, kung iyong nabasa at iyong mababasa pa ang aking entry, iisa lamang ang may kwento, bago sana dumating ang wakas nire, mapagtagi tagpi ko..

      magandang araw sir jakul.. salamat sa iyong pagbisita 🙂

  9. Rj de Lemos says:

    kakaibang banjo na ito,siga matapang na paglalahad pero ang husay at galing,andun pa din talaga. Iba talaga pag tatak banjo! idol!

  10. kat says:

    Boom! Kalam kung kalam nga.. Hay. Ice cream 😦 di ako kumakain maxado nyan kasi sinusuka ko din..


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s