LAPASTANGAN

GANID…

Maaga kaming naghanda ni Ama upang pumunta sa Bayan, hindi para magluwas ng kalakal na gulay kundi upang sumangguni sa aming Meyor, tungkol na din sa problemang may kinalaman sa pangangamkam ng lupa at mga pananakot ng mga tauhan ni Don Rafael. Hindi pa pumuputok ang araw ng kami’y umalis ng bahay sapagkat may dalawang oras ang byahe mula sa amin hanggang bayan. Noong mga panahong iyon, tricycle lamang paraan ng transportasyon sa amin sa bako bakong daanan. Ayaw pa akong isama ni Ama pero dahil na din sa nangyari noong nakaraang mga gabi, pinilit ni Ina na ako’y pasamahin.

Lunes noon at marami ng tao sa munisipyo ng kami ay makarating. May flag ceremony ang mga opisyal at empleyado ng munisipyo. Nasa tabihan lamang kami ng isang tindahan ng gamot na pagkamamahal sa may tapat habang tinutugtog ang Lupang Hinirang, hinahanap ng mga mata ang aming sadya. Ng matapos ang awit ng mga empleyadong hindi naman umaawit talaga, agad kaming pumasok at tumungo sa tanggapan ni Mayor, subalit wala pa ang aming pakay. Tirik na ang araw at halos tatlong oras na din kaming naghintay, madami na akong nabilang na butiki sa kisame ng munisipyo pero wala pa ding nakakapagsabi sa amin kung darating ba si Meyor o hindi. Putang ina, makati na ang aking kuyukot, tuyot na ang aking laway, puti na ang mata sa inip, ni isa sa maarteng empleyado e hindi makapag-alok kahit ni isang basong tubig. At ang mga pulitikong tao talaga, mga paimportante.

Dumating din ang aming sadya bago sumapit ang pananghalian. Pinapasok naman kami ng sekretarya makalipas lamang ang ilang sandali. Humingi ng dispensa si Mayor sa aming matagal na paghihintay, nagkainuman daw sila ng Gobernador at ni Don Rafael nitong nakaraang gabi. At pagkarinig niyon, banaag ko sa mukha ni Ama ang pagsibol ng masidhing galit. Lumabas ako ng kwarto ayon na din sa utos ni Ama. Maingay sa pasilyo ng munisipyo dahil sa dami ng tao roon, pero rinig ko ang dagundong ng aking puso. Hindi ako mapakali habang hinhintay si Ama na matapos sa pakikipag-usap kay Meyor. Hindi ko mawaring dahilan, parang may kung anong hindi magandang mangyayari.

“Abet, tara na, uuwi na tayo”

Nagmamadali si Ama, humahangos kaming lumabas ng munisipyo. Ramdam ko sa asal ni Ama ang kabiguan ng aming pakay. Walang nangyari sa kanilang pag-uusap.

“Putanginang mga naka pwesto, nakasubo sa burat ang mga bunganga habang kumakain ng tae ng mga mayayaman. Mga walanghiya”

Wala na kaming maari pang malapitan o mahingan ng tulong tungkol sa problema. Ano ang laban naming salat sa yaman sa mga makapangyarihang pamilya. Ang tangi lang naming pinanghahawakan ay ang kaalaman na ang lupang sinasaka ni ama ay galing sa kanyang mga magulang. Wala naman kaming nalalaman na ang lupang iyon ay pag-aari ng iba. At tulad ng sinasabi ni Don Rafael na iyon daw ay kanila, may dokumentong hawak di umano. Taal kaming taga Santa Magdalena, ang lupang aming sinasaka ay pagaari ng aking kanununuan. Samantalang ang pamilya ni Don Rafael ay dapo lamang sa aming Bayan na ngayon nangangamkam ng lupa ng iba. Papaanong mapupunta sa kanila ang aming lupa. Ganon na lamang ba ang katalinuhan ng may kwarta at talagang ganon na lamang ba kami kamangmang? Samut sari pa ang naglalaro sa aking diwa. Lutang sa mga katanungang walang tiyak na kasagutan. Hindi alintana ang gutom. Hindi naging mabagal ang oras sa karagkarag ng trycicle na inarkila pa ni Ama sa bayan

“Sepa.. Sepa.. Nandito na kami Sepa. Nasaan na kaya ang Nanay mo? Puntahan mo nga abet sa pulo, baka ipinastol si Bagting kanina, alas dos na e wala pa dito sa bahay.”

Mabilis kong tinakbo ang papuntang pulo. Naguunahan naman sa paghampas ng tambol ang pintig ng aking puso,  tulad ng pakiramdam ko kanina sa bayan na hindi ko maintindihan. Tanaw ko pa lamang ang bukid, nakapanlulumo, wala akong natatandaang bagyo na dumaan para maging ganoon ang itsura ng aming gulayan. Buwal lahat ng pananim, sira ang mga balag na kung susuriing mabuti, parang dinaanan ng tatlong buhawi. Ang mga sitaw na aming punla, giniik lahat ng may kagagawan niyon. May bakas pa ng pinagkainan ng papaya. Hindi kalayuan sa ilalim ng puno ng mangga, nandoon si Bagting  na parang may tinatanuran. Hindi naman doon dapat siya nakasuga kundi doon sa may bandang kaparangan. Agad akong lumapit upang mas lalong magimbal at mabigla sa matutunghayan. Hindi ko alam ang aking gagawin, ayaw kong paniwalaan ang aking nakikita. Si Ina, duguan nakahandusay sa Lupa. May tatlong magkakalayong sugat sa dibdib. Hawak ang Itak ni Ama sa kanang kamay. Nakapikit at hindi na humihinga. Tuyo ang dugo sa kamiseta, tanda lamang ng may ilang oras ng ganoon si Ina.

“Inaaaaaaa….”

Bakit may kailangang magbuwis ng buhay para lamang sa pansariling interes? Hindi patas ang mundo upang humamon sa buhay. Si Ina na aking mahal ay biktima ng kasakiman. Nagbuwis ng buhay upang ipaglaban lamang ang ganang kanya. Tatlong tama ng baril ang kumitil ng kanyang buhay. Napakasakit. Wala na si Sepa na butihing asawa ni Berto. Wala na si Sepa na mapagmahal na Ina ni Abet. Bakit humantong sa ganitong kalapastanganan ang kasakimang walang kaparis.  Ang pagtatanggol ba para sa sarili ay isang kasalanan? Ang ipaglaban ba ang alam naming tama ay isang malaking kasalanan? Bakit sa ganitong paraan pa kami susubukin ng hamong iyon? Putang Inang sistema yan. Putang ina sa mga demonyong nainirahan sa bulok na pagkatao ng may mabubulaklak na pananalita subalit may nakasusulasok ng hininga.


GANID

“Mabuti nga sa yo rafael. Ikaw ang pumatay sa aking asawa. Putang ina mo. Kinakamkam mo ang aking lupa. Kulang pa ang iyong buhay sa ginawa mong kasalanan. Masusunog ang iyong kaluluwa sa impyerno. Magsama kayo sampu ng iyong pamilya. Putang ina mo rafael. At kayong mga tuta ng putang inang mayayaman. Magbabayad din kayo.”

__________

Maaga akong nagising dahil sa putakan ng mga manok na alaga ni ina. Pupungas pungas akong lumabas ng kubo upang sumalok ng tubig sa banga na inigib ko pa sa ilog nitong nagdaang araw. Tanaw ko pa si Ina na nagwawalis ng paligid sa may bakuran, si ama nama’y hindi ko na inabutan. Siguradong maagang umalis upang ipastol ang aming baka na si bagting. Bakasyon na sa eskwela at kakapagtapos ko lang sa elementarya, panahon naman para tumulong ako sa pagtatanim at pag-aani ng gulay ni Ama na syang pangunahing ikinabubuhay namin. Sa edad na 12, sanay na ako sa mabibigat na trabaho. Sanay ako sa kahirapan.

“Abet, kumain ka na dyan at pagkatapos mo, sumunod ka sa iyong ama doon sa pulo.”

“Oho Ina”

Inabutan ko si Ama na may kausap na panauhin sa kubol na ginawa niya upang gawing pahingahan. Isang lalaking nakaputing suot ng pantalon at puting mahabang manggas na pang itaas at puti na sumbrerong parang kay lito lapid, si Don Rafael, ang pinakamayaman na rantsero sa bayan ng Santa Magdalena.  Hindi naman sa kalayuan ay mga lalaking nakaasul na polo at may baril sa tagiliran bawat isa. Hindi iyon ang unang tagpong nagkausap ang aking Ama at si Don rafael, mga ilang araw lang ang nakalilipas ng makita ko silang huling nag-usap. Ang kaninang takbo na aking ginawa sa pagparoon sa pulo ay naging mahinang paglakad. Hindi ako pinansin ng mga unipormadong alagad ni Don Rafael. Dinig ko ang pag-uusap ng dalawa sapagkat medyo may kalakasan ang kanilang boses.

“Hindi ko lilisanin ang lupang ito sapagkat ito ay akin. Mana ito sa akin ng aking mga magulang. Don Rafael, hindi mo ito makukuha sa akin.”

“Wag ka ng magmatigas Mang Berto. Ang lupang ito ay hindi sa iyo. Wala kang katibayan na ito ay pagmamay-ari mo. Sa akin ang lupang ito, meron akong dokumentong nagpapatunay na ang lupang sinasaka mo ay pagmamay-ari ng aking pamilya. Hindi ko naman kayo basta na lang paaalisin dito, bibigyan ko kayo ng sapat na halaga bilang kabayaran sa pagmamantine nireng lupa.”

“Tulad ng ginawa mo sa iba ko pang mga kasama?. Kung sila nagawa mong tapalan ng pera. Ako hindi, ipaglalaban ko ang lupang ito. Iyan ang hirap sa inyong mga mayayayman, ang akala mo kayang bilhin ng pera mo ang lahat. Sa pagkakataong ito, nagkakamali ka. Hindi ko hahayaang matulad ako sa mga nilapastangan mo.”

“Punyeta Berto, parang hindi mo ako kilala, walang hindi ko nagustuhan na hindi ko nakuha. Isa ka lang kulisap na kayang kaya kong tirisin. Magbabalik ako berto, bibigyan kita ng panahon para makapag-isip, tara na mga bata.”

Lumampas sa aking harapan si Don Rafael na may nakahihiwang titig sa akin. Kasunod ang mga alagad na may nakasabit na eskwala sa tagiliran. Si Ama, tahimik, nagngangalit ang mga bagang, naglalabasan ang ugat sa noo tanda ng kinikimkim na galit.

“O Abet, parine ka na’t tulungan mo kong magbungkal ng lupa para sa punla nireng mga sitaw. Anihin mo na mamaya ang ampalaya ng maari ng mabenta.”

“Oho Ama… Ama galit ho yata si Don Rafael.”

“Sus, wag mong pansinin ang sira ulong iyon, kunin mo ang asarol at patik sa tabi ni bagting”

Mula ng tagpong iyon, hindi na naging tahimik ang gabi sa amin. Sa bawat gabi, may lumalampas na magarang sasakyan sa aming bakuran, umaalingawngaw ang putok ng baril. Isa, dalawa, tatlo o di kaya naman asy higit pa. Malayo ang aming kubo sa mga kabahayan. Nakatirik sa bukid na karatig ng pulong sinasaka ni Ama. Hindi kalayuan ay kalsada namang nagtatagop sa kanayunan at sa mga bukirin at doon nga sa pulo na sinasaka ni Ama. Batid kong iyon ay pananakot kay Ama ng mga alagad ni Don Rafael, batid kong iyon ay may kinalaman sa mga pag-uusap nila na walang pagkakasundo.

“Putang inang mga iyan, matatapang lamang sila pagkat meron silang baril. Mga walang bayag ang mga iyan kung parehas ang laban. Hala, sige, subukan nilang pasukin itong kubo at matitikman nila ang talim ng aking tabak.”

“Berto, wag kang lalabas ng bahay habang nandiyan sila, baka kung anong mangyari, mag-isip isip ka muna”

“At ano Sepa? Hahayaan ko na lang na bastusin tayo ng mga tuta ng putang si Rafael? Hindi nila ako masisindak sa bakal na nakasabit sa kanilang bewang. Putang inang mga asong iyan.”

“Hindi nga Berto, mabuti na yung wag tayong sumalubong sa init ng ulo. May iba pa namang paraan para sila magtigil sa pananakot sa atin”

Umiiyak si Ina habang pigil si Ama na may hawak na tabak. Si ama naman nagngangalit ang mga bagang at naglalakihan ang ugat dala ng galit. Habang ako’y nakasilip sa siwang ng bintana ng kubo, nagmamatyag kung may papasok sa bakuran upang sa gayo’y masabi ko kay Ama na may paparating.

Nakabibinging katahimikan, nakasusukang amoy ng asupre at pulbura ang naiwang bakas ng asong turuan. Pumanaw ang kanina lamang ay nagpapaligsahang koro ng iba’t ibang panggabing kulisap. Tibok ng puso’y dumadagundong sa aking katinuan. Malamig ang hanging sumusuot sa siwang ng dingding at humahampas sa aking balat pero ang alinsangan sa tagpong iyon sa loob ng kubo ay nagpapalapot ng pawis na tumutulo sa noo ni Ama. Ang mga luhay kadenang walang patid na umaagos sa mga matang may maamong pagtitig na nagmumula sa kay Ina. Hindi pangkaraniwang tanawin ang aking namamataan. Talaga bang ang aba lamang ang kayang lapastanganin ng mga lipunang ganid sa kapangyarihan at pera? Sapagkat iyon ang aking nakikita, iyon ang tangi ko nalalalaman, kadahilanan kung bakit may mga pusong nakakaramdam ng galit at awa para sa sarili. Galit na magbubulid sa hukay na ginawa ng mga lapastangan. Awang nagdudulot ng pagpanaw ng ulirat ng dahil sa hapding pumupunit ng kalamnan.