LAKAS TAMA

Bulag ang pag-ibig kasabihan na sa atin
ngunit para sa’yo ang pag-ibig ko ay duling
pagkat dalawang beses ako sayo’y may pagtingin
o kay tindi ng iyong dating sa puso’t damdamin…

Pumapailanlang ang awiting iyon sa loob ng jeep na aking sinasakyan, sinasabayan naman ng driver  ang beat ng tapik sa manibela. Sa aking harapan naman ay isang lalaking pumapadyak ang paa, magkaminsa’y sinasabayan ang pag awit ng stereo. Kulang pa ng dalawa ang bawat tabihang upuan, kaya naman bawat may nakatayong pasahero sa daan kahit hindi pumapara ay tinitigilan. “Mama, bayad po, makikisuyo na lang”. Sigaw ng isang aleng nasa may bandang dulo sabay abot ng walong piso sa kanyang katabi. “Sa may Rizal, isa lang”. Nalaglag ang piso sa aking pag-abot ng bayad, gumulong sa may paanan ng isang empleyado yata ng bangko na nasa aking kaliwa. Halos lahat ng mata nakatutok sa gumugulong na piso.  Dinampot ng batang kalong ng isang babaeng may basket ng mga pinamili sa harapan at iniaabot sa akin. “Bayad daw po, sa may Rizal, isa lang”. Mainit ang panahon, maalinsangan ang kapaligiran. Tumutulo sa bawat kilikili ko ang masaganang pawis dulot ng banas na iyon, habang nakahawak ang aking kamay sa tubong pahaba sa bubungan ng jeep. Huminto ang jeep na sinundan pa ng paghinto ng mga kasaunod nito. Trapik… Problemang hindi magawan ng pangmatagalang solusyon, siguro dulot na din ng kawalang disiplina ng mga driver at mga pasahero din mismo. Ah mali pala, may enforcer pala sa may gitna na syang nagmamando ng trapiko. Mula sa kung saan may lumabas na mga manlilimos, iba’t ibang diskarte ang palabas. May Inang kilik ang isang taonggulang na sanggol, may mag-ate na nanlilimahid sa karungisan, may dalawang batang lalakeng may dalang lata na ginawang tambol, sumampa ang dalawang bata sa jeep na aking sinasakyan. Namigay ng sobre ang isa sa loob at habang ang isa namay umaawit ng hindi ko maintindihan. Pinagmasdan ko ang mga kasabay kong pasahero kung maglalagay ng pera sa sobre o hindi, isa lamang ang naglagay sa sobre at ang iba nga ay umiirap na naiinis pa. Dumukot din ako ng barya, ipinasok ko sa loob ng sobre. Baryang katumbas ng kanilang buhay sa pakikipagpatintero sa mga naghahagibisang sasakyan. Baryang pambili ng load ng iba samantalang bigas naman sa kanila. Maaring sindikato ang nasasa-isip ng iba pero ano’t ano man ang dahilan, hindi maitatatwang biktima sila ng kahirapan. Hindi maitatatwang inagawan na sila ng kinabukasan. Hindi maitatawang kumakapit sila sa patalim upang malamnan lang ang kanilang naghuhumiyaw na sikmura. Maswerte pa rin kaming mga pasahero ng jeep na iyon.

Sa tunay kong pagmamahal natotorpe sayo
Mukhang pinasukan ng daga ang puso kong bato
Dahil alam ko rin walang ibubunga ito
Natatakot akong mawala ang isang katulad mo

Kay sarap umibig, may tama nga yata ako. Sa loob ng jeep kabababa lamang ng dalawang paslit. Umandar na din ng pausad usad ang trapik. Rock en roll ang trip ni manong driver, LSS sa awiting iyon. “Sa kanto lang po ng Bonifacio” Sigaw ng aking katabi sabay usad ng puwit paharap dahilan upang magluwag naman ang aking inuupuan. Sa loob ng jeep aking pinagmasdan. May nabubuo kaya o may pag-ibig kayang nananatili sa loob ng jeep na iyon? Pag-ibig ng ina sa anak, pag-ibig ng magkasintahang nasa aking bandang kanan, pag-ibig ng amang may bitbit na binalot para sa pamilya. Iyon ang nakikita ng aking isipan. Maharot na naglalaro sa aking diwa ang liriko ng awitin na aking inilalapat sa eksenang aking nakikita sa loob. Mga bayani ng ating bayan, nasa kanto ang kanilang pangalan. Sa ganoong paraan kaya ipinararamdam ang pag-ibig at pagkilala sa kanilang kabayanihan? May pag-ibig nga kaya sa kantong iyon? Naisip ko bigla na kung ang loob ng jeep ay ang bansang pilipinas, naghuhumiyaw ang riyalidad na ang bawat pilipino ay estranghero sa isa’t isa. May nakaaangat , may mukha ng paghihirap. Magkaganon pa man, umaapaw ang diwa ng bayanihan. Ang pag-abot ng basket ng pasaherong bumaba kanina. Ang pag-pulot ng pisong nalaglag, pagpapasa ng bayad upang makaabot kay manong driver.  May pag-ibig ba sa hindi ko kakilala, hindi pag-ibig ang pagbibigay ng limos sa dalawang batang nagconcert sa jeep. Iyon ay awa, iyon ang damdaming pumupukaw sa pusong kayang kurutin ng kababaang loob. Malayo pa ang aking bababaan, hindi ko pa tanaw ang kanto na palatandaang malapit na ako sa amin.

Lakas tama ako’y nawawala
Nawawala ang isip ko pag nakikita ka sinta
Lakas tama ako’y nawawala
Nawawala ang isip ko pag nakikita ka sinta

Bumubusina, umaalog, humaharurot, nagbubuga ng makapal na usok, sumisingit, pumaparada, tumitigil sa gitna, maluwag pa kahit may kabit na, rumerehistro, nagooverheat, napaplatan, nagmumura, nagrereklamo. Lakas Tama….

Naglipana ang mapang-akit na tanawin, sa labas ng jeep nagpapakita ang mukha ng ating kinabibilangan. Sumisilay ang ngiting hindi naman nararapat, may pait at sa aso lamang makikita. May pag-ibig nga kayang lakas tama? Kung ito’y ipupukol sa ating iniikutang lipunan. Hindi lang sa asawa, sa pamilya o sa kasintahan. Naliligaw ang diwang naglalakbay sa katotohan ng mga pangyayari, sumasabay sa agos na maaring may matarik na talon na patutunguhan. May dalawang batang sumampa sa jeep at naghandog ng awit na hindi maintindihan, subalit naghuhumiyaw ang katotohanang ang lahat ng tao ay katulad din nila. Umaamot ng awa, ng limos, ng pag-ibig na lakas tama.” Mama, sa kanto lang po.” Ako’y bababa na.