LOOBAN

“Putangina namang buhay ito o, ang aga aga ang lakas ng bunganga mo. Hindi ka na nahiya sa kapit bahay.”

Naalimpungatan ako sa malakas na sigaw na pilit sumisingit sa siwang ng bintana  sa aking kwarto.   Sumabog na naman ang tinitimping sama ng loob ng aming kapit bahay na si aling Bebang. Si aling Bebang na panata na sa buhay ang murahin ang mahal na asawa.

“Ako pa ang mahihiya,hoy putang ina mong Ricardo ka, ikaw ang mahiya sa balat mo. Galing ka na naman sa pambabae mo at ganitong oras ka pa umuuwi. Puta…… …..”

Pilit kong hinahapuhap ang naudlot kong tulog sapagkat alas tres pa lang ng madaling araw. Pero pilit ding pumapasok ang tinis ng boses ng mga putang ina sa aking tenga. Kahit anong takip ng unan ang aking gawin, tila naman utot na nagsusumiksik sa masikip na butas ang mga boses ng mga iyon. Babahagya pa ko pumapalaot sa kalaliman ng gabing hindi naman hinuhukay, bahagya pang nahagilap ang pagkaduling ng mata sa antok. Eto naman ang bunganga ng putang ina. Imposible talaga ang disenteng tulog dito sa looban, kahit siguro lango sa alak at high na high sa shabu ay walang mararamdamang katahimikan. Kung sa ibaba ay murahang walang patid ang namumutawi sa mababahong bibig, sa itaas naman ay kalampagan sa bubong dahil sa mga paang humahagibis wag lamang mahuli ng humahabol na pulis o ng mga tanod. Hindi na ko magtataka kung isang beses ay may lumagpak na duguang katawan mula sa kalangitan.

“Hoy mga putang ina nyo, magpatulog naman kayo”

“Putang ina nyo din”

Wala na, nakaalpas na ang gagahiblang antok na aking hinahawakan. Gising na gising na aking diwa dahil sa pagmamahalan ng mag-asawang walang hiya. Kung hindi lang sa murang upa dito sa bahay, hindi ako magtityagang mamuhay dito sa looban. Ito lang ang malapit sa pabrikang aking pinapasukan. Binuksan ko ang bintana at sumalubong sa akin ang simoy ng hanging umaga na nakasusulasok hanggang hapon. Mapanghi, mapalot.  Tanaw ko pa ang ibang kapitbahay na nanonood ng isang dramang pang totoong buhay. Dito sa looban, ang   eksenang katulad ng murahan nina aling bebang at ng mga putang inang iba pa  ay isang sineng kanilang kinuhuhumalingan na pagkatapos ay pagtsitismisan hanggang kinabukasan. Sumalok na ako ng tubig sa timba na kagabi ko pa inigib upang maghilamos. Hindi ko nakasanayang maligo sa lugar na ito, bago pa kasi makalabas ng looban ay kapit na ang iba’t ibang amoy sa daraanan. Amoy tae, mapanghe, amoy patay na daga. Kahit yata si kamatayan ay mahihiyang pumasok dito. Sa pabrika na lang ako naliligo, inaagahan na lang pasok.

Sira ang aking araw, ang manirahan sa looban ay malaking sakripisyo sa mga residente doon. At sa tulad kong pabrikante na may kakarampot namang kita, ang mangupahan ng may murang upa  sa loobang iyon na kahit na buwis buhay ay praktikal na paraan ng pagtitipid. Ako ang buhay na patunay na hindi lahat ng naninirahan sa ganoong klaseng lugar ay patapon at walang hangarin sa buhay kundi ang maging problema ng lipunan. Maaga akong umalis dahil nga sa napaagang gising dulot ng ingay ng mga putang ina. Dalawang oras na tulog, nitong nakaraang gabi, sa pabrika nama’y darang sa mainit na singaw ng makinang isang pagkakamaling kilos ay puputol ng aking mga kamay. Kailangan ko ng pampagising, hindi ng nakakalibog na pangitain kundi pampagising ng kamalayang maghahatid sa akin sa aking mga pangarap. Ayaw kong maputol ang aking mga kamay. Ang aking kapiling sa tuwing sisibol ang init ng damdamin at magpapadaloy ng dugo sa mga ugat na natitigang. Oo na, magtikol.

“Gandang umaga tsip”

“O ang aga mo abet”

“Yung putang inang mga kapitbahay ko, walang binatbat kahit bandidong abusayap kung tapang ng bibig ang paguusapan”

Diretso ako sa locker sa loob ng CR na panlalake, hindi pa nakakapaglinis ang janitor kaya naman umaalingasaw ang masangsang na amoy ng pinaghalong ihi at tae. Putangina, ang buburara talaga ng mga kalalakihan. Palibhasa nakikipalikuran lamang kaya ganon na lang ang kaburaraan sa katawan. Sa pagharap mo pa lang ng salamin, makikita ang mga butil butil na natutuyong patak na mula sa pinaputok na tagyawat at ang nakaririmarim, ang mga natutuyong kulangot na tila bagang isinagawang batas na iyon ang gawing pamahiran.  Kung hindi naman talaga katamaran, ipa-flush na lamang ang inidoro ay hindi pa magawa. Gaano ba kahirap kalabitin ang flush o kaya ay sikaran. No choice, nagsindi ako ng sigarilyo, dito lamang sa CR nagagawang manigarilyo sapagkat bawal dito sa planta. Sibak ang mahuli. Binuksan ko na ang dutsa pagkaubos ng isang stick. Haayyy, maginhawa sa katawan ang daloy ng tubig. Hindi gaya sa looban, iba ang haplos ng tubig doon. Parang makati sa katawan kung ibubuhos o parang amoy usok na hindi maintidihan.

Tumatagaktak ang aking pawis, napakaiinit ng aking pwesto dito sa planta. Ang bawat bagsak ng malalaking makina ay tumutulig sa aking gunita. Ang bawat lagapak nooy pumapawi ng mga alalahanin ng mapait kong kabataan. Ayaw ko ng isipin,  sinasabayan ko ng awit ang bawat bagsak ng mga bakal, musikang aking isinisigaw upang mapawi ang inip sa maghapong pagtunganga sa mga makinang aking kaulayaw. Mga makinang saksi sa aking pagsisikap mapaunlad lamang ang sarili.

Oras na na ng uwian, walang overtime sapagkat mahina ang order ng aming produkto. Sa gate pa lamang ng planta, tanaw ko na ang makapal na usok sa hindi kalayuan.

“Abet, mukhang sa inyong lugar ang sunog na iyon”

“Oo nga tsip, sibat na ako”

Takbo akong walang puknat at mabilis na nakarating sa bukana ng looban. Kalat na kalat ang sunog at imposible ng mapasok ang looban ng mga resindente dahil sa kapal ng usok. Sa hindi kalayuan nama’y mamamasdan ang mga inang pinapalawan ng ulirat, umaatungal at malalakas na sigaw ng puntang ina ang nangingibabaw. Kaiba talaga sa looban, mapamagandang balita o masama man, kaakibat na ang malulutong na mura sa kwentuhan. Hindi agad nakapasok ang mga trak ng bumbero dahil sa makipot na daan, dagdagan pa ng mga sasakyang nakaparada ng mga putang inang may kaya ng konti sa looban. Ang gayong mga may sasakyan ay karaniwan ng bagbebenta ng shabu sa looban o di kaya’y bata bata ng mga pulitikong may nais patahimikin sa buhay.

“Hoy mga putang ina nyo, gamit namin yang hinahakot nyo”

“Putang ina, tubig nasaan na ang tubig, dalian nyo mga putang ina”

Limang oras ang lumipas bago natupok ang apoy, at tumambad sa aking harapan ang pinsala ng sakunang walang gustong makaranas. Ultimo mga yero ay hindi na mapakinabangan. Maswerte ang ibang may naisalba pang gamit, kahit paano ay may pede pang pakinabangan, paano na lang iyong walang nisalba kundi ang suot na damit lamang, t-shirt na may mukha ng putang inang meyor ng lugar, pantalong pinutol lamang na na hindi pa magkapantay at brief na mula pa noong magsimula pa lang tumubo ang bulbol at hanggang ngayon ang isnisuot.  Naisip ko bigla ang aking magiging problema, wala na akong malilipatang may murang paupa kundi dito lamang sa looban, pero wala ito sa problema ng iba ko pang kasama, ako’y nangungupahan samantalang sila’y mismong residente ng looban. Lilipas ang ilang araw na nakikipagsiksikan sa basketball court, nakikipag-agawan sa supot na plastik na may nakaimprentang pangalan ng putang inang pulitiko na ipinangangalandakan ang katiting na serbisyo na kung tutuusin ay obligayon na dapat lang talagang gampanan,hiyang hiya naman kami sa INYO mga kupal. Magtitiis sa amoy ng ibat ibang taeng sa paligid ay magsusulputan. Magsasalo salo sa sakit na magsisimula sa isang bata. Putang ina, paano na ang buhay nila. Pero alam kong sanay sa ganitong unos ng buhay ang mga taga looban. Ang mga pangyayaring ganito ay isang itinuturing na suliraning bumubulaga lang sa kanila araw araw. Parang habulan lamang ng holdaper at pulis na may malaking tiyan sa mga bubungan, ang murahan ng mag mister na may kabit at ng asawa nito,  ang ganitong eksena ay isang sine lamang na kanilang pagtsitsismisan hanggang kinabukasan. At pagkatapos ay balik muli sa normal nilang pamumuhay… Tama, ganito ang normal ng pamumuhay dito sa looban.

….